
Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na may sapat silang pondo sa pagpapalawig ng mga benefit package sa publiko.
Ito’y kasunod ng inilunsad na bagong Z-Benefit Package para sa mga bata at nakatatakdang post-kidney transplant patients at mga kidney donors.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni PhilHealth President and CEO Dr. Edwin Mercado na may ₱300-B ang korporasyon para sa benefit packages ngayong taon.
At sa pagbubukas ng bagong Kongreso, inihahanda na rin anila ang mga projection o pagtataya sa pondong kakailanganin para suportahan ang mga benepisyo at iba pang programang ipatutupad sa susunod na taon.
Pinag-aaralan na rin aniya ng PhilHealth ang posibleng maging epekto sa kanilang budget, kapag naaprubahan ang panukalang amyenda sa Universal Healthcare Act, na magtatapyas sa ibinabayad na premium ng mga miyembro.
Matatandaang tinanggal ng Kongreso ang pondo para sa subsidiya ng PhilHealth sa 2025 national budget, dahil may reserba pa itong P500-B na sapat para sa kanilang patuloy na operasyon.