
CAUAYAN CITY- Binawian ng buhay ang isang drayber ng dump truck matapos pagbabarilin sa Brgy. Minante 2, Cauayan City, Isabela nitong, ika-unang araw ng Pebrero taong kasalukuyan.
Kinilala ang biktima na si Ariel Lorenzo, 35-anyos, at residente ng Purok 9A Brgy. Villa Luna, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng IFM News Team kay Jaylord, katrabaho ng biktima, matapos makuha ni Lorenzo ang kanyang sahod ay nagpaalam na itong uuwi na sa kanilang bahay.
Aniya, pasakay na umano ang biktima sa kanyang motorsiklo nang huminto sa harap nito ang isang motorsiklo sakay ang lalaking nakasuot ng itim na jacket at puting shorts.
Nagulat na lamang umano sila nang makarinig sila ng tatlong putok ng baril at dahil sa takot ay nagtago ang mga ito. Nang makaalis na umano ang suspek ay agad nilang pinuntahan ang biktima at nakita nila itong duguan at wala nang buhay.
Dagdag pa niya, maayos naman umano si Lorenzo na katrabaho kung saan hindi ito mahirap pakisamahan at walang nakakaalitan sa trabaho.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang paghahanap sa suspek ng Cauayan City Police Station.