
CAUAYAN CITY- Mahigpit na pinaiiral ng Cauayan Aviation Police Station ang pagpapatupad ng Comelec Gun Ban sa Cauayan Airport.
Sa panayam ng IFM News Team kay PCapt. Eduard Caballero, Chief ng Cauayan Aviation Police Station, ipinaalala niya ang mahigpit na regulasyon laban sa pagdadala ng hindi awtorisadong baril at bala sa mga paliparan.
Ayon kay PCapt. Caballero, kinakailangang may Comelec exemption ang sinumang nagnanais magdala ng baril at bala sa panahon ng gun ban. Para sa mga otorisado namang magbitbit ng baril, kailangang ipakita ang mga sumusunod na dokumento tulad ng Certificate of Registration, Certificate of Gun Ban Exemption, at Permit to Carry Firearms Residence.
Samantala, para sa mga opisyal ng kapulisan o miyembro ng law enforcement agency, kailangang nakasuot sila ng uniporme at magpakita ng: PNP ID,Mission Order o Letter Order, at Property Acknowledgment Receipt.
Bagamat wala pang nahuhuling pasahero na nagdala ng baril sa paliparan, may ilan na nakumpiskahan ng bala.
Paalala ni Caballero na kailangang sumunod sa mga patakaran upang maiwasan ang anumang abala o parusa.