𝗜𝗡𝗙𝗟𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡 𝗥𝗔𝗧𝗘 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔 𝗡𝗢𝗢𝗡𝗚 𝗗𝗜𝗦𝗬𝗘𝗠𝗕𝗥𝗘, 𝗨𝗠𝗔𝗞𝗬𝗔𝗧 𝗦𝗔 𝟰%

CAUAYAN CITY – Umabot sa 4% ang inflation rate sa lalawigan ng Isabela noong Disyembre, batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon kay Chief Statistical Specialist Julius Emperador, ang pinakamalaking kontribusyon sa pagtaas ng inflation ay ang presyo ng gulay, partikular ang mga seasonal vegetables tulad ng kamatis at talong. Mula sa 7.8% noong Nobyembre, umakyat sa 29.9% ang inflation rate ng gulay noong Disyembre.

Ipinaliwanag niya na ang pagtaas ay dulot ng kakulangan sa suplay bunsod ng mga nagdaang bagyo na sumira sa mga taniman ng gulay noong nakaraang taon.


Samantala, hindi naging kasing-bilis ang pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin tulad ng bigas, na nagtala lamang ng 3.1% inflation rate.

Bukod sa gulay, tumaas din ang inflation rate sa iba pang bilihin tulad ng karne ng manok, isda, at mga produktong dairy.

Ang pagtaas ng inflation rate ay nagdulot ng hamon sa mga mamimili at mga lokal na negosyante sa lalawigan, kaya’t patuloy ang pagsusuri at pag-aaksyon ng mga kinauukulan upang matugunan ang epekto nito sa ekonomiya ng Isabela.

Facebook Comments