𝗜𝗦𝗔 𝗦𝗔 𝗠𝗚𝗔 𝗦𝗨𝗚𝗔𝗧𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗢𝗧𝗢𝗥𝗜𝗦𝗧𝗔 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗚𝗨𝗛𝗢 𝗡𝗚 𝗖𝗔𝗕𝗔𝗚𝗔𝗡-𝗦𝗧𝗔. 𝗠𝗔𝗥𝗜𝗔 𝗕𝗥𝗜𝗗𝗚𝗘, 𝗡𝗔𝗚𝗦𝗔𝗟𝗜𝗧𝗔 𝗡𝗔

CAUAYAN CITY- Nagbigay pahayag ang isa sa mga sugatang biktima sa pagguho ng Cabagan-Sta Maria Bridge noong ika-27 ng Pebrero taong kasalukuyan kasabay ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lugar.

Sa panayam ng IFM News Team kay Bryan Dejan, residente mula sa Centro Eastern Cabagan, at pasahero ng isa sa mga SUV na nadamay sa pagguho,madalas itong dumaan sa naturang tulay ngunit may mga pagkakataon umano na gumagalaw ang nasabing tulay lalo na at dati na umanong may bitak ito sa gitnang bahagi.

Aniya, manghang-mangha ito sa disenyo ng tulay lalo na sa gabi dahil sa mga ilaw nito ngunit hindi nya akalain na malalagay sa alanganin ang kanyang buhay sa pagtawid nito.

Dagdag pa niya, bandang tanghali noong nangyari ang pagbagsak ng tulay ay mayroon pang flagman na nakatalaga sa lugar, ngunit pagsapit umano ng gabi ay wala ng nagbabantay sa lugar kung kaya’t nakakapasok ang mga malalaking sasakyan.

Hindi umano ito ang unang pagkakataon na may dumaang malalaki at mabibigat na sasakyan sa lugar dahil bukod sa nadamay sa pagguho na dump truck ay may nauna pang dalawa na tumawid sa tulay.

Samantala, bagama’t hindi naman nagtamo ng matinding sugat sa katawan, labis namang naapektuhan ang kanyang kabuhayan dahil hindi na siya nakakapasok sa trabaho.

Facebook Comments