𝗜𝗦𝗔 𝗦𝗨𝗚𝗔𝗧𝗔𝗡, 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗠𝗔𝗠𝗔𝗥𝗜𝗟 𝗦𝗔 𝗦𝗧𝗢. 𝗡𝗜Ñ𝗢, 𝗖𝗔𝗚𝗔𝗬𝗔𝗡

CAUAYAN CITY – Sugatan ang isang indibidwal matapos itong barilin ng nakaalitang magsasaka nitong ika-28 ng Enero sa Sto. Niño, Cagayan.

Ayon sa ulat ng pulisya, ang suspek ay kinilala si alyas “Puchong,” isang magsasaka at residente ng nasabing bayan.

Ayon sa inisyal na pagsisiyasat, nag-ugat ang insidente ng pamamaril nang magtayo ng pansamantalang bakod ang suspek sa hangganan ng kanilang ari-arian ng bigla na lamang dumating ang biktima at sinira ang itinatayong bakod.

Dahil dito, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa kung saan naging agresibo ang biktima at tinangka nitong hampasin ang suspek gamit ang isang bolo kaya naman nagawa ng suspek na barilin ito sa kanyang dibdib.

Agad namang isinugod ang biktima sa pagamutan at sa kasalukuyan, nasa maayos na itong kalagayan at patuloy na nagpapagaling.

Matapos ang insidente ng pamamaril, kusang sumuko sa Sto. Niño Police Station ang suspek dala ang isang homemade 12-gauge shotgun at isang bala.

Mahaharap naman ito sa kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Facebook Comments