
Cauayan City – Nagsagawa ng joint inspection ang Lokal na Pamahalaan ng Tuguegarao City sa mga bar at entertainment establishments sa Macapagal Avenue, Balzain East.
Layunin nitong tiyakin ang pagsunod sa City Ordinance No. 06-005 Section 5 na may kaugnayan sa tamang operasyon ng mga establisyementong may Hospitality Girls o Entertainment Establishment Workers.
Pinangunahan ng City Social Welfare and Development Office sa pamumuno ni Melvin Perez ang inspeksyon, katuwang ang City Legal Officer Atty. Roderick Iquin, City Health Officer Dr. Robin Zingapan, City Information Officer Designate Wilma Estolas, at iba pang kawani ng LGU Tuguegarao City, sa pakikipagtulungan ng PNP-SWAT upang matiyak ang maayos at ligtas na proseso.
Ayon sa administrasyon ni City Mayor Maila Rosario S. Ting-Que, patuloy nilang imo-monitor ang mga negosyo upang matiyak ang pagsunod sa batas at mapanatili ang kaayusan sa komunidad.
Ang naturang hakbang ay bilang tugon sa mga ulat ng posibleng paglabag ng ilang establisyemento sa umiiral na regulasyon ng lungsod.