Wednesday, May 20, 2026

𝗟𝗔𝗟𝗔𝗞𝗜, 𝗔𝗥𝗘𝗦𝗧𝗔𝗗𝗢 𝗦𝗔 𝗜𝗟𝗟𝗘𝗚𝗔𝗟 𝗧𝗥𝗔𝗡𝗦𝗣𝗢𝗥𝗧𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡 𝗡𝗚 𝗗𝗜𝗘𝗦𝗘𝗟 𝗦𝗔 𝗡𝗨𝗘𝗩𝗔 𝗩𝗜𝗭𝗖𝗔𝗬𝗔

Cauayan City – Arestado ang isang lalaki habang pinaghahanap pa ang kanyang kasamahan matapos masangkot sa umano’y ilegal na transportasyon ng produktong petrolyo sa Barangay Baliling, Santa Fe, Nueva Vizcaya kahapon, ika-4 ng Mayo.

‎Kinilala ang suspek na si alyas “Carlo,” 59 anyos, isang driver mula sa Benguet.

Ayon sa ulat, hindi ito huminto sa checkpoint na ikinasa ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at sa halip ay pinaharurot ang minamanehong mini dump truck, na nagresulta sa hot pursuit operation ng mga awtoridad.

‎Sa kalaunan, naharang ang sasakyan sa tulong ng iba pang pulis at naaresto ang suspek, habang nakatakas naman ang isa pang lalaki na sakay ng motorsiklo na pinaniniwalaang escort ng truck.

Sa inspeksyon, natuklasan ang humigit-kumulang 3,580 litro ng diesel na walang kaukulang dokumento.

‎Tinatayang nasa higit Php300,000 ang halaga ng nakumpiskang petrolyo at mga lalagyan.

‎Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1865, habang patuloy ang paalala ng pulisya laban sa ilegal na pagbebenta at transportasyon ng mga produktong petrolyo.

Facebook Comments