
Cauayan City – Inilabas na ng COMELEC Cauayan ang listahan ng mga lugar sa lungsod na maaaring kabitan ng campaign materials ng mga kandidato at partylist ngayong nalalapit na campaign period.
Sa ibinahaging listahan ng COMELEC Cauayan, ang mga posters ng mga electoral candidates ay maaaring ikabit sa harap ng barangay centers sa lahat 65 barangay sa lungsod ng Cauayan.
Maliban dito, maaari ring magkabit sa bahagi ng Old Luna Park at public space sa Purok 7, Brgy. Cabaruan, sa bahagi ng Rizal Park sa Brgy. District 1, sa harap ng National Irrigation Administration Building sa Brgy. Minante 1, sa bahagi ng lumang CAP Building, vacant area sa Cauayan Airport, at sa bahagi sa Public Market sa Brgy. San Fermin.
Samantala, mahigpit namang ipinagbabawal ng COMELEC ang pagpapaskil ng campaign materials sa mga pampublikong lugar katulad na lamang ng mga de-kuryenteng announcement boards, LCD Monitors na nasa pader ng private building, pribadong ari-arian na walang pahintulot ng may-ari, mga bagay na pagmamay-ari ng gobyerno, at iba pa.
Para sa iba pang mga paalala ng COMELEC ngayong paparating na campaign period, maaaring bisitahin ang facebook page ng COMELEC Cauayan.