
Cauayan City – Pinuna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang tila maling disenyo ng Sta. Maria-Cabagan Bridge na siyang dahilan ng pagbagsak nito.
Sa isang ambush interview, sinabi ng Pangulo na mayroon ngang design flaw ang tulay dahil kung titingnan umano ay mapapansin mahina at tila marupok ang pagkakagawa ng tulay.
Aniya, ito lamang ang nakitang niyang suspension bridge na hindi kable ang ginamit.
Sinabi rin nito na dapat ay nasa P1.8 Billion ang project cost subalit binawasan umano upang makamura kaya naman talagang tinipid ang konstruksyon ng nasabing tulay.
Ayon pa kay PBBM, sinundan naman ng contractor ang plano ng tulay subalit binigyang-diin nito na talagang mali ang disenyo ng tulay.
Nangako naman ang Pangulo na sisiguruhin nilang hahanapin kung sinuman ang responsable sa nangyaring pagguho, subalit sinabi niya na mas dapat unahin ang pagsasaayos ng problema at hindi kung sinuman ang dapat na sisihin.
Wala rin umanong silbi ang ginawang pagtitipid sa konstruksyon ng tulay dahil nasira pa rin ito, at ngayon ay kailangan nanamang gumastos ng mas malaki upang ayusin ito at muling magamit ng mga residente.