𝗠𝗢𝗔 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗞𝗔𝗥𝗔𝗚𝗗𝗔𝗚𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗘𝗗𝗜𝗖𝗔𝗟 𝗢𝗙𝗙𝗜𝗖𝗘𝗥𝗦 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗚𝗔𝗬𝗔𝗡, 𝗔𝗣𝗥𝗨𝗕𝗔𝗗𝗢 𝗡𝗔

CAUAYAN CITY – Aprubado na ng Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Sa naturang kasunduan, magkakaroon ng karagdagang manpower kung saan ide-deploy sa iba’t-ibang district hospitals sa lalawigan ng Cagayan ang mga medical officers.

Paliwanag ni Dr. Rhea Bernadette Danguilan- Garcia, Officer-in-Charge Chief of Hospital ng Gattaran, limang doctor ang ipagkakaloob ng CVMC na madedeploy sa mga district hospitals sa Gattaran, Sta Ana, Baggao, Lasam, at Ballesteros.

Dagdag pa nito na magiging “full time” doctors ang mga ito bilang general practitioners.

Sa ganitong paraan, malilimitahan umano ang mga pasyenteng pumupunta sa CVMC dahil matutugunan na ito ng mga district hospitals.

Matatandaan na isa ang mga district hospitals sa mga tinututukan ni Governor Manuel Mamba simula ng siya ay maupo bilang gobernador.

Facebook Comments