
CAUAYAN CITY- Patuloy na isinusulong ni Senador Bong Go ang pagpapalawig ng serbisyong medikal sa mga Pilipino, lalo na sa mga nangangailangan.
Sa kanyang pagbisita sa lalawigan ng Isabela noong ika-23 ng Enero, binigyang-diin niya ang pagpapalakas ng mga programang nakatuon sa kalusugan, kabilang na ang pagtatayo ng Malasakit Centers, Super Health Centers, at Regional Specialty Centers.
Ayon kay Senador Go, dalawang Malasakit Center na ang naitayo sa Isabela na matatagpuan sa Lungsod ng Ilagan at Lungsod ng Santiago, habang may 19 na Super Health Center na rin sa buong lalawigan.
Ang mga pasilidad na ito ay naglalayong tulungan ang mga kapos sa buhay na nangangailangan ng serbisyong medikal at gawing mas accessible ang mga ito sa mga liblib na lugar.
Sa kasalukuyan, nasa kabuuang 166 Malasakit Centers at 700 Super Health Centers na ang naitayo sa buong bansa, na bahagi ng patuloy na programa para sa mas abot-kayang healthcare system.
Kaugnay nito, nagtungo si Senador Bong Go, kasama si Senatoriable Philip Salvador, sa bayan ng Echague para sa inagurasyon ng isang Super Health Center, at sa Lungsod ng Cauayan para sa groundbreaking ng isa pang Super Health Center.