
Cauayan City – Nananatiling maayos at payapa ang sitwasyon sa Palanan Airport sa pamamagitan ng ginagawang pagbabantay PNP-Aviation Security Group sa lugar.
Sa eksklusibong panayam ng IFM News Team kay Police Lieutenant Bernardo Tambo Jr., Officer-in-Charge ng Palanan Airport PNP-AVSEGROUP, nagsasagawa ng mahigpit na inspeksyon ang mga awtoridad sa mga pasahero at bisinad ng lugar upang masiguro ang maayos na sitwasyon.
Aniya, kabilang sa hakbang na kanilang ginagawa ay ang pamamahagi ng mga flyers na naglalaman ng mga umiiral na batas at polisiya sa paliparan sa mga pasahero.
Ayon pa kay PLT Tambo, ngayong panahon ng eleksyon ay pinapaalalahanan rin nila ang mga pasahero kaugnay sa mga bagay na ipinagbabawal dalhin sa paliparan bilang pagsunod sa batas, maging sa umiiral na Election Gun Ban.
Kabilang rito ang anumang uri ng armas katulad ng baril, airsoft gun, replica ng baril, at mga pampasabog.
Samantala, ayon kay PLT Tambo wala pa naman silang naitatalang lumabag sa batas na ito kaya naman kanilang ikinatutuwa ang pakikiisa at pagsunod ng mga pasahero.