𝗣𝗔𝗠𝗜𝗟𝗬𝗔 𝗡𝗚 𝗕𝗜𝗡𝗔𝗥𝗜𝗟 𝗡𝗔 𝗞𝗔𝗣𝗜𝗧𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗜𝗟𝗔𝗚𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬, 𝗛𝗜𝗟𝗜𝗡𝗚 𝗡𝗔 𝗠𝗔𝗞𝗔𝗠𝗜𝗧 𝗔𝗡𝗚 𝗛𝗨𝗦𝗧𝗜𝗦𝗬𝗔

Cauayan City – Umaasa ang pamilya ni Avelino Quitola, ang kapitan na pinagbabaril-patay sa Brgy. Cabisera bente syete, Ilagan City na makakamit nila ang hustisya.

Sa naging panayam ng IFM News Team sa asawa ng biktima na si Ginang Lorna, hanggang ngayon ay nananaig pa rin ang takot sa kanya matapos ang nangyaring karumal-dumal na pagpatay sa kaniyang asawa.

Kwento niya, dalawang linggo matapos ang insidente, may nakapagsabi sa kanya na mayroon umanong tatlong lalaking nakita na tila umaaligid at nagmamanman sa kanilang tindahan sa Brgy. Villa Imelda.


Gayunpaman, wala naman umanong naku-kwento si Kapitan Avelino sakanya na mayroon itong natatanggap na banta sa kanyang buhay dahil kung sa pagiging pinuno lamang sa kanilang barangay ang pag-uusapan, marami umano ang nagsasabing isa ito sa pinaka mabait na kapitan.

Sa nangyaring pamamaril, isinaalang-alang pa rin ng biktima ang kaligtasan ng kanyang asawa dahil matapos ang unang putok ng baril, nagawa pa umano nitong sabihin sa kanyang asawa na bilisan ang pagmamaneho ng kanyang electric bike.

Inakala umano ni ginang Lorna na sabay nilang tatakbuhan ang narinig na putok ng baril ngunit makalipas ang sunud-sunod na putok ng baril, napansin na nito na hindi na nakasunod sakanya ang kanyang asawa at nang kanyang tingnan, nakita niya na lamang ang motorsiklo ng mga salarin na patungo na sa Brgy. Villa Imelda para tumakas.

Dahil dito, nananawagan si Ginang Lorna sa publiko na kung sino man ang nakakita o nakakaalam kung saan nagtungo ang mga suspek na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang asawa.

Facebook Comments