
Cauayan City – Tinitiyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang maayos at ligtas na pangangalaga para sa mga kababaihang biktima ng pang-aabuso sa Lambak-Cagayan.
Ayon kay Kathleen Kaye Supranes ng Regional Committee Against Trafficking – Violence Against Women and their Children Secretariat ng DSWD Region 2, ang maayos na pangangalaga ay ibinibigay sa pamamagitan ng Regional Haven for Women and Girls sa Solana, Cagayan, at sa iba pang pasilidad sa rehiyon.
Nagbibigay ang mga ito ng pansamantalang tirahan, rehabilitasyon, at suporta para sa legal, psychosocial, at personal na kalagayan ng mga residente.
Batay sa datos ng ahensya, tinatayang 30 residente na may edad 18 pataas ang kasalukuyang naninirahan sa kanilang residential center.
May mga nakatalagang house parent na nagbabantay at gumagabay sa mga residente 24 oras upang masiguro ang kanilang kaligtasan at maayos na kalagayan.
Kasama sa mga serbisyong ibinibigay ang psychosocial processing, counseling, at iba pang medical at mental health interventions bilang bahagi ng recovery plan ng mga biktima. Pinapayagan din ang mga residente na ipagpatuloy ang kanilang edukasyon habang nasa pangangalaga ng haven, bilang paghahanda sa kanilang reintegration sa komunidad.
Ang operasyon ng pasilidad ay pinopondohan ng pamahalaan at sinusuportahan ng mga non-government organization na nagbibigay ng karagdagang tulong para sa rehabilitasyon at muling pagbangon ng mga kababaihang biktima ng karahasan.
Source: RP Tuguegarao
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










