𝗥𝗘𝗦𝗜𝗗𝗘𝗡𝗧𝗜𝗔𝗟 𝗛𝗢𝗨𝗦𝗘 𝗦𝗔 𝗕𝗘𝗡𝗜𝗧𝗢 𝗦𝗢𝗟𝗜𝗩𝗘𝗡, 𝗧𝗜𝗡𝗨𝗣𝗢𝗞 𝗡𝗚 𝗔𝗣𝗢𝗬

CAUAYAN CITY – Sumiklab ang sunog sa isang residential house kahapon, ika-18 ng Marso sa bayan ng Benito Soliven, Isabela.

Ayon kay Senior Fire Officer 3 (SFO3) Michael Pascual, Officer-in-Charge (OIC) ng Bureau of Fire Protection (BFP) Benito Soliven, bandang 1:40 ng hapon nang makatanggap sila ng tawag hinggil sa nasabing sunog.

Agad naman itong nirespundehan ng BFP Benito Soliven, subalit pagdating sa lugar ay malakas na apoy at makapal na ang usok nito.


Naging pahirapan umano ang pag-apula dahil gawa ang bahay sa light materials at marami din umanong gamit sa loob.

Bukod sa BFP Benito Soliven, tumulong din sa pag-apula ng apoy ang BFP Naguilian, Gamu, San Mariano, at ang Tapales Rice Mill.

Sa kabuting palad, wala namang nasaktan o nasugatan sa nangyaring insidente.

Sa ngayon ay patuloy ang pagsasagawa ng BFP Benito Soliven ng imbestigasyon upang malaman kung magkano ang halagang tinupok ng apoy at sanhi ng sunog.

Facebook Comments