
CAUAYAN CITY – Nagbigay babala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga residente ng Palawan at Basilan sa posibleng pagbagsak ng rocket debris.
Ayon pa sa NDRRMC, nakatakdang isagawa ng China ang rocket launch ng Long March 8A bukas, ika-25 hanggang ika-27 ng Enero taong kasalukuyan, oras ng alas-5 hanggang alas-9 ng gabi.
Sa pagtataya ng ahensya, posibleng bumagsak ang rocket debris sa dagat – 106 nautical miles mula Rozul Reef, 34 nautical miles naman mula Puerto Princesa, at 39 nautical miles mula Hadji Muhtamad, Basilan.
Dahil dito, pansamantala ring pinagbawalan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) MIMAROPA ang mga sasakyang pandagat na pumalaot sa Rozul Reef at kapalit na dagat.
Pinaalalahan naman ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang publiko na huwag lapitan o hawakna ang mga rocket debris dahil naglalaman ng toxic chemicals ang mga materyales nito, kung kaya’t mas mabuting ireport ito sa mga awtoridad.