
Cauayan City – Aalisin ng Woggle Corporation ang lahat ng mining equipment sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya sa loob ng tatlong araw matapos ang matinding pagtutol ng lokal na pamahalaan at iba’t ibang sektor laban sa kanilang exploration activities.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Local Government na pinamumunuan ni Senador Jinggoy Estrada, iminungkahi na agad nang tanggalin ng kumpanya ang kanilang mga kagamitan upang mawala ang pangamba ng mga residente na itutuloy ang pagmimina.
Bukod dito, inatasan din ang kumpanya na isailalim sa rehabilitasyon ang apektadong lugar sa loob ng isang buwan.
Ayon sa pamunuan ng Woggle, madali lamang ang pag-pull out ng mga kagamitan ngunit maaaring mas tumagal ang rehabilitasyon dahil kabilang dito ang pagtatanim at pagpapanumbalik ng kalikasan.
Sa ngayon, suspendido ang exploration activities ng kumpanya at nakasalalay sa desisyon ng Mines and Geosciences Bureau kung tuluyan nang kakanselahin ang kanilang mining permit.
Nagkaroon ng mainit na argumento sa pagitan ng mga opisyal ng bayan at kinatawan ng kumpanya, kung saan iginiit ng mga lokal na lider na walang isinagawang wastong public consultation bago sinimulan ang operasyon.
Ayon sa mga opisyal ng Barangay Oyao at mga environmental advocate ng Dupax del Norte, hindi nasunod ang due process at hindi nabigyan ng pagkakataon ang mga residente na magpahayag ng kanilang saloobin, dahilan upang maglagay sila ng barikada.
Mariing tinutulan din ng dating gobernador ng Nueva Vizcaya na si Ruth Padilla ang pagmimina, dahil aniya’y kapalit nito ang pagkasira ng mga bundok at lupain na pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga magsasaka.
Depensa naman ng pangulo ng Woggle na si Tommy Alfonso, nagsagawa sila ng mga presentasyon sa Barangay Oyao, Sangguniang Bayan ng Dupax del Norte, Sangguniang Panlalawigan, at sa Barangay Parai matapos nilang makuha ang exploration permit.
Gayunman, inamin ng kumpanya na mga opisyal lamang ng sanggunian ang kanilang kinonsulta at hindi ang mismong publiko. Ipinaliwanag din ng kanilang kinatawan na nagpresenta sila ng profile ng kumpanya, environmental plans at development programs ngunit hindi sila nagsagawa ng botohan o direktang paghingi ng pahintulot mula sa mga residente.
Pinayagan din ang kumpanya na dalhin ang mga nakuhang ore samples sa Department of Environment and Natural Resources para sa karagdagang pagsusuri, sa kabila ng una itong tinutulan ng mga environmental group. Ayon sa mga tumututol, bibilangin at babantayan nila ang mga sample upang matiyak na walang iregularidad.
Nagbabala naman si Estrada na agad ipagbigay-alam sa kanya ng mga opisyal ng bayan kung sakaling ibalik ng kumpanya ang kanilang mga kagamitan, at handa siyang personal na magtungo sa lugar kasama si Senador Robin Padilla kung kinakailangan.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan









