
ILAGAN CITY- Arestado ang dalawang pangunahing suspek sa pagpatay sa Indian national na si Surjeet Singh sa Lungsod ng Ilagan, Isabela.
Kinilala ang mga naarestong suspek sa alyas na βBernardo,β na kilala rin bilang βJunbat,β na kabilang sa Regional Level Most Wanted Persons, at alyas βEdwardo,β na kabilang naman sa Provincial Level Most Wanted Persons at kapwa residente ng Ilagan City.
Nag-ugat ang pag-aresto sa masusing imbestigasyon kaugnay ng pamamaril kay Singh noong Mayo 23, 2026, sa harap mismo ng gate ng kanyang tahanan sa nasabing lungsod.
Agad na binuo ang Special Investigation Task Group (SITG) SINGH upang pangunahan ang imbestigasyon at operasyon. Nagsagawa naman ng masusing case build-up ang CIDG Isabela, nangalap ng mahahalagang ebidensya at nagsampa ng kasong Murder laban sa mga suspek.
Dahil dito, naisakatuparan ang mga warrant of arrest na inilabas ng korte laban kina Bernardo at Edwardo.
Samantala, natukoy rin ng mga awtoridad ang umano’y mastermind sa krimen na kinilala sa alyas na βMarku,β isa ring Indian national na pinaniniwalaang kasalukuyang nasa labas ng Pilipinas.
Patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad sa mga international law enforcement agencies upang matukoy ang kinaroroonan nito at maisakatuparan ang pag-aresto.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang iba pang posibleng sangkot sa pagpatay, kabilang ang itinuturong mastermind sa naturang krimen.









