Cauayan City – Malalang sugat ang tinamo ng 4 na indibidwal kabilang na ang dalawang sundalo matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang Mitsubishi Xpander sa isang pampasaherong bus, madaling araw ngayong ika-6 ng Desyembre.
Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Gamu Police Station, ang Xpander ay minamaneho ni Samuel Agub Jr., sundalo na nakatalaga sa 5th Infantry Division, habang ang bus naman ay minamaneho ni Romel Apattad, residente ng Peñablanca, Cagayan.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga awtoridad, binabaybay ng dalawang sasakyan ang magkasalungat na direksyon at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente partikular na malapit sa St. Michael Cathedral umagaw ng linya ang Xpander dahilan upang masalpok nito ang noon ay paparating na bus.
Sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng malalang pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan si Agub at ang tatlo pang sakay nito na sina Marlon Berganio, 32 anyos, isa ring sundalo, Angelbert Agub, 39 anyos, at Ferdinand Pagurigan, 44 anyos, kaya naman kaagad silang dinala sa pagamutan upang lapatan ng lunas.
Samantala, dalawa sa mga sugatan ay nasa kritikal na kondisyon at kasalukuyang nasa ICU dahil sa malubhang pinsala sa katawan na kanilang tinamo.
Pareho ring wasak ang harapang bahagi ng dalawang behikulo at inaalam pa ang kabuuang halaga ng pinsalang tinamo ng mga ito.