
Cauayan City – Nakatakdang magsagawa ng aerial search and rescue mission ang Philippine Air Force-Tactical Operations Group 2 (PAF-TOG 2) sa mga baybayin ng hilagang Luzon upang hanapin ang bangkang may sakay na pitong indibidwal na patungo sa Barangay Dilam, Isla ng Calayan na napaulat na nawawala.
Batay sa ulat, ang MB Ren-Zen 2 ay umalis ng 4:30 ng madaling araw noong January 15, 2025, mula Claveria sakay ang limang tripulante at dalawang pasahero, kabilang ang isang miyembro ng Coast Guard na nakatalaga sa Barangay Dilam subalit hindi ito nakarating sa destinasyon.
Una ng nagsagawa ng search and rescue mission ang Philippine Coast Guard (PCG) sa tatlong lugar sa Dalupiri Island na madalas daanan ng mga mangingisda sa Claveria ngunit wala pang nakikitang bakas ng bangka o ng mga sakay nito.
Ayon kay Colonel Glen Piquero ng PAF-TOG 2 na handa na ang kanilang grupo at hinihintay na lamang ang “flight directive” para simulan ang aerial search and rescue mission kung saan target nilang suriin ang lugar na kinabibilangan ng baybayin ng Dalupiri, Fuga, Pagudpud, Bangui, Pasuquin, Bacarra, at iba pang bahagi ng Ilocos Norte.
Samantala, ayos naman umano ang panahon noong umalis ang bangka subalit naging malakas ang alon at naging masungit ang panahon pagsapit ng hapon kaya naman patuloy na pinag-aaralan ang posibleng dahilan ng pagkawala ng bangka.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang LGU-Calayan at ang Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa iba’t ibang coastal municipalities para sa mabilisang paghahanap sa nawawalang bangka.