1 pang kongresista, positibo sa COVID-19

Isa pang kongresista ang nagpositibo sa COVID-19 maliban kay ACT-CIS Partylist Representative Eric Go Yap.

Sa facebook post ni Isabela Representative Tonypet Albano, sinabi nitong may isa pa silang kasamahang mambabatas ang positibo sa coronavirus.

Pero, hindi naman na idinetalye ni Albano kung sino ang isa pang kongresistang may COVID-19.


Kasama si Albano sa mga kongresista na nasa self-quarantine ngayon matapos dumalo ng special session kung nasaan naroroon din si Yap.

Samantala, sinabi naman ni House Secretary General Atty. Jose Luis Montales sa ipinadalang mensahe sa media na wala pang kumpirmasyon sa isa pang kongresista na hinihinalang may COVID-19.

Aniya, hindi pa nakikipag-ugnayan ang kampo ng mambabatas kung natanggap na nito ang resulta ng COVID-19 test mula sa RITM.

Samantala, sa huling tala ay dalawang empleyado na mula sa Mababang Kapulungan ang binawian ng buhay sa kinatatakutang sakit na COVID-19.

Facebook Comments