
Cauayan City – Target ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) na makapagsagawa ng Double Dry Cropping ngayong 2025 sa 10,000 ektaryang sakahan.
Sa inilabas na listahan ng NIA-MARIIS, kabilang sa mga sakahan na maaaring mag double crop ay ang mga sakahan na mula sa San Mateo, Ramon, Cordon, Alicia, San Isidro, San Manuel, Roxas, Quirino, Gamu, Burgos, Alicia, Cabatuan, Luna, Cauayan City, Santiago City na pawang parte ng lalawigan ng Isabela, habang kabilang rin ang munisipalidad ng Alfonso Lista sa lalawigan ng Ifugao.
Matatandaang hinihikayat ng NIA-MARIIS ang mga magsasaka na mag double dry crop ngayong dry season upang maiwasan na maabutan ng panahon ng bagyo at tag-ulan ang kanilang pag-aani.
Tiniyak naman ng NIA-MARIIS na sapat ang suplay ng tubig sa Magat Dam dahil sa maayos na pamamahala rito kaya naman matutugunan ang suplay ng tubig na kakailanganin sa pagsasaka.
Maaari namang makita ng mga magsasaka ang listahan ng mga lupa na maaaring mag double dry crop sa kanilang Facebook Page.