10,000 mga POGO workers na nananatili sa bansa, dapat hanapin at arestuhin

lumabas sa huling pagdinig ng House Quad Committee na mayroon pang 9,000 hanggang 10,000 na mga manggagawang Tsino ng Philippine Offshore and Gaming Operators o POGO ang nananatili pa rin sa bansa.

Iniulat ito sa hearing ni Undersecretary Gilbert Cruz ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force.

Bunsod nito ay iginiit ni House Quad Committee lead chairman at Surigao Del Sur Rep. Robert Ace Barbers sa mga awtoridad na hanapin at arestuhin ang nabanggit na mga dayuang POGO workers.

Giit ni Barbers, delikado na pakalat-kalat sa bansa ang nabanggit na mga dayuhan na maituturing na pawang banta sa seguridad ng bansa dahil maaring masangkot sila sa krimen o kaya ay gumagalaw bilang mga espiya.

Sa pagdinig ay inamin naman ni Paolo Magtoto ng Central Luzon office ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi nila alam kung nasaan na ang libo-libong POGO workers.

Bunsod nito ay nagpahayag din ng pagkadismaya si Barbers na hanggang ngayon ay hindi pa rin natutupad ang panawagan niya na magkaroon ng central database ng mga POGO workers na sinuportahan naman ni Quad Comm Overall Vice Chairman, Antipolo City Rep. Romeo Acop.

Facebook Comments