120,000 vaccinations kada araw, dapat maabot ng pamahalaan – VP Robredo

Nananatiling mabagal ang pagbabakuna ng pamahalaan laban sa COVID-19 dahil hindi pa nito naaabot ang target na 120,000 tao kada araw para maabot ang herd immunity sa katapusan ng taon.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, ayon kay Vice President Leni Robredo, kung magpapatuloy ang kasalukuyang vaccination rate ay aabutin pa ng limang taon bago makamit ang herd immunity.

Ang herd immunity ay maaabot lamang ng Pilipinas sa November 2026 kung patuloy lamang na makakapagturok ng 67,780 doses ng COVID-19 vaccine kada araw.


Hindi na mahihintay pa ang higit limang taon lalo na at maraming Pilipino ang nagugutom dahil hindi pa rin tuluyang nabubuksan ang ekonomiya.

Pangamba pa ng bise presidente na posibleng ma-expire lamang ang mga dumarating na bakuna kung mabagal ang pagsasagawa ng pamahalaan ng pagbabakuna.

Nanawagan din si Robredo sa Department of Health (DOH) na mag-train ng vaccinators dahil walang silbi ang pagdagsa ng mga bakuna kung walang taong magtuturok nito.

Facebook Comments