
121 power firms ang hindi tumugon sa show-cause orders (SCOs) laban sa mga power generation company na hindi nagsumite ng kinakailangang annual self-assessment forms kaugnay ng operasyon ng kanilang mga planta.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin, sa 174 on-grid plants na pinadalhan ng SCO, 114 ang hindi man lamang tumugon o humiling ng extension, habang ang natitirang 60 ay nagbigay ng sagot, humiling ng palugit, o kinilala ang abiso ng Department of Energy (DOE).
Nilinaw ng ahensiya na ang mga SCO ay hindi nangangahulugang may kasalanan na ang mga kumpanya sa forced outages o iba pang paglabag. Sa halip, ito ay paunang hakbang lamang upang hingiin ang kanilang paliwanag sa hindi pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento.
Samantala, sa 29 off-grid facilities na nakatanggap ng SCO, pitong planta ang hindi rin tumugon.
Kabilang dito ang Occidental Mindoro Consolidated Power Corp. (OMCPC), Ormin Power Inc., at OMCPC Solar ang mga ito umano ay binubuo ng limang diesel plant, isang solar plant at isang hydropower plant na matatagpuan sa Mindoro at Mindanao.
Kasalukuyang sinusuri ng DOE ang mga paliwanag at performance ng mga nasabing kompanya upang matukoy kung may paglabag at kung kinakailangang magpatupad ng kaukulang parusa.










