13-anyos na Dalagita, Pitong Beses na Ginahasa umano ng Sariling Ama; Suspek,Arestado

36

Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang pastor na Top 4 Most Wanted Person ng Cagayan matapos akusahan ng panggagahasa sa kanyang sariling anak.

Batay sa ulat ng pulisya, kinilala ang suspek na si Cesar Ablao, 54-anyos at residente ng Barangay Sampaguita, Solana, Cagayan habang ang biktima ay ang 13-anyos na anak nito.


Sa imbestigasyon ng Solana Police Station, tuluyan ng sinampahan ng kasong Rape ng kanyang misis dahil sa ginawa umanong pang-aabuso sa kanilang dalagitang anak.

Hulyo 7 ng kasalukuyang taon ng dumulog sa himpilan ng pulisya ang misis ng suspek na si Francilyn Ablao, 44 anyos kasama noon ang dalagitang anak na itinago sa pangalang “Jaja” para ireklamo ang pananakot umano sa kanila ng suspek gamit ang baril nito at pinagbantaan na papatayin kung hindi iuurong ang kasong isinampa laban sa kanya.

Dinakip ng mga awtoridad ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Lyliha Abella-Aquino ng Regional Trial Court Branch 4, Tuguegarao City, Cagayan na may petsang Hulyo 19, 2021 dahil sa pitong beses umanong panggagahasa sa kanyang sariling anak.

Kaugnay nito, nakumpiskahan ang suspek ng isang improvised shotgun na walang serial number na naglalaman ng isang bala, isa pang piraso ng 12-gauge live ammunition at isang basyo ng bala ng baril.



Bukod sa kasong paglabag sa Republic Act 8353 o Anti-Rape Law of 1997, nahaharap din ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence against Women and their Children Act at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng PNP Solana ang suspek bago ipasakamay sa kanyang court of origin.


Facebook Comments