13-anyos na estudyante, patay sa saksak ng kaklase sa loob ng paaralan sa QC

Patay ang isang 13-anyos na estudyante matapos saksakin ng kaniyang menor de edad na kaklase dahil umano sa selos sa loob mismo ng Culiat High School sa Barangay Culiat, Quezon City.

Ang biktima ay nakilalang si Mohammad Abtani Alfhasi, 13, Grade 7 student, tubong Jolo, Sulu at residente ng Basilan St., Salaam Compound, Brgy. Culiat, Quezon City.

Sa report ng Holy Spirit Police Station (PS 14) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-5:45 kaninang umaga nang maganap ang insidente.


Magkaklase umano ang biktima at ang suspek nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan dahil umano sa selos.

Sa loob ng kanilang paaalan ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa saksakin ng binatilyo ang biktima.

Agad na isinugod ang biktima sa New Era General Hospital subalit binawian din ito ng buhay bandang alas-6:20 ng umaga, ayon kay Dr. Lovenia Manzo.

Makalipas lamang ang ilang oras ay naaresto naman ng mga awtoridad ang binatilyo sa kanilang tahanan.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na 15-anyos na grade 7, tubong Cotabato at nakatira sa Cotabato St., Salaam Compound, Brgy. Culiat, QC.

Facebook Comments