
Nagtungo si Manila 6th District Rep. Benny Abante sa City Prosecutors Office ng Maynila para maghain ng reklamo ng libel at cyber libel laban sa 18 dating bodyguards ni Zaldy Co.
Bukod sa 18 dating bodyguards, kasama ring inireklamo ang abogado ng mga ito na si Atty. Levi Baligod at isang media network.
Sa naging panayam kay Rep. Abante, idinawit niya ang nasabing media network sa reklamo matapos siyang siraan ng mga ito at hindi man lang umano hiningan ng panig hinggil sa naturang isyu.
Sinabi pa ng kongresista na nanatili siyang tahimik sa mga nagdaang pagsisiwalat na iniuugnay ang kaniyang pangalan, ngunit hindi na siya pumayag na madawit sa pangalawang pagkakataon.
Aniya, hindi na sana inilabas pa sa anumang pagdinig kung totoo ang mga isiniwalat ng 18 dating bodyguards ni Co at dapat sana ay idinaan na lamang ito sa Office of the Ombudsman para sa posibleng pagsasampa ng kaso sa korte o sa Sandiganbayan.
Sa huli, nanindigan si Abante na wala siyang anumang natatanggap na iligal na pera mula sa flood control project anomaly at, sakaling ipatawag sa anumang pagdinig, handa siyang humarap para linisin ang kaniyang pangalan.










