Labinsiyam na neurodivergent na kabataan ang matagumpay na nagtapos sa Rx Playtime Occupational Therapy and Tutorial Center bilang bahagi ng programang naglalayong suportahan ang kanilang pag-unlad at kapakanan.
Isinagawa ang programa sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at ng Rx Playtime Occupational and Wellness Clinic, sa pamumuno ni Dra. Felma Garcia, may-ari ng Playtime Services.
Sa pamamagitan ng programa, nabigyan ng pagkakataon ang mga benepisyaryo na makatanggap ng occupational therapy na angkop sa kanilang mga pangangailangan.
Katuwang din sa programa ang City Health Office, sa pamumuno ni Dra. Julita De Venecia, kasama si Supervising Administrative Officer Nurse Tina Cayabyab, upang maisulong ang mga serbisyong pangkalusugan at suporta para sa mga batang nangangailangan ng espesyal na pangangalaga.
Bukod sa mga kabataan, layunin din ng programa na mabigyan ng karagdagang suporta at gabay ang kanilang mga magulang at pamilya sa pagharap sa mga pangangailangan ng kanilang mga anak. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










