
Mas pinaigting ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang pagkilos upang tugisin ang mga nasa likod ng madugong engkwentro kahapon sa Sumisip, Basilan.
Ayon kay Col. Francel Margareth Padilla, ang tagapagsalita ng AFP, mayroon ng ongoing joint operations ang Sandatahang Lakas kasama ang iba pang law enforcement agencies upang mahuli ang mga nasa likod ng krimen.
Nakapaghain na rin aniya ang pamahalaan ng protesta sa pamamagitan ng Government of the Philippines-Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities dahil sa paglabag sa peace process ng Moro Islamic Liberation Front.
Nabatid na ang pag-atake ay pinangunahan ng mga armadong grupo nina Najal Buena at Oman Hajal Jalis, kasama ang ilang miyembro MILF kung saan nagresulta ito sa pagkakasawi ng dalawang sundalo, dalawang rebelde at 12 sundalo rin ang sugatan.
Samantala, taos-puso namang nakikiramay ang pamunuan ng Philippine Army sa naulilang pamilya ng dalawang sundalo na nasawi kung saan nangako itong magbibigay ng tulong sa mga naulilang pamilya gayundin sa mga nasugatang mga sundalo.