2 LALAKI, PATAY MATAPOS MAGULUNGAN NG TRUCK

17
Cauayan City, Isabela- Patay ang dalawang sakay ng motorsiklo matapos magulungan ng trailer truck sa kahabaan ng pambansang lansangan na sakop ng brgy. San Pedro-San Pablo, Aurora, Isabela.

Nakilala ang drayber ng motorsiklo na walang plaka na si Aljun Agustines, 43 taong gulang, may-asawa, residente ng Brgy. Upi, Gamu, Isabela habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng backrider nito na lalaki.

Kinilala naman ang drayber ng trailer truck na si Richard Vasquez, 29 taong gulang, binate, at residente ng Brgy. San Isidro, Taytay, Rizal.

Lumabas sa imbestigasyon ng Aurora Police Station, parehong binabaybay ng motorsiklo at trak ang lansangan patungong Hilagang direksyon kung saan nasa inner bound lane ang trak habang nasa outer bound lane naman ang motorsiklo.

Nang marating ang pinangyarihan ng insidente, aksidenteng bumangga ang motorsiklo sa kanang bahagi ng trailer truck hanggang sa tuluyang pumailalim sa trak at magulangan ang dalawang sakay na mga biktima.

Wasak ang ulo at dead on the spot ang drayber ng motorsiklo habang idineklara namang dead on arrival sa ospital ang angkas nito.



Nasa kustodiya naman ngayon ng PNP Aurora ang tsuper ng trak na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) to Double Homicide and Damage to Property.

Facebook Comments