2 MENOR DE EDAD, ARESTADO SA TANGKANG PANLOLOOB AT PAGNANAKAW

CAUAYAN CITY – Arestado ang dalawang menor de edad matapos mahuling tangkang manloob at magnakaw sa dalawang magkatabing bahay sa Fajardo Compound, Purok 4, Barangay Cabaruan, bandang ala-1:10 ng madaling araw nitong Mayo 3, 2025.

Kinilala ang mga biktima na sina Mhar Jertuz Fajardo, 21 taong gulang, at Leonard Gundran, 34, kapwa residente ng naturang lugar. Samantala, ang mga suspek ay isang 16-anyos na out-of-school youth mula sa Reyes Subdivision, Alicaocao, at isang 15-anyos na Grade 9 student mula sa Barangay Cabaruan.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Cauayan City Police, nagising sina Gundran at ang kanyang asawa dahil sa sunod-sunod na kahol ng kanilang mga alagang aso. Napansin din nila ang kaluskos at yabag mula sa kanilang kusina, kaya’t agad nilang binuksan ang ilaw.

Nahuli nilang tumatakas ang 16-anyos mula sa loob ng bahay habang papasok pa lamang ang 15-anyos na kasamahan nito. Agad silang humingi ng tulong at sinubukang habulin ang mga suspek.

Habang tumatakas ang mga suspek, nakita ni Mhar ang dalawang kahon ng circuit breakers, switch, at isang pares ng tsinelas na iniwan sa kanilang garahe—mga bagay na pinaniniwalaang ninakaw.

Sa pamamagitan ng hot pursuit operation, agad na naaresto ang dalawang kabataan. Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng Cauayan City Police Station habang inihahanda ang kaukulang kasong isasampa, alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act.

Facebook Comments