
Naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang Vietnamese nationals sa isinagawang entrapment operation sa Makati City dahil sa iligal na praktis ng medisina.
Isinagawa ang operasyon nitong June 16, 2025 sa Doly Beauty Lounge sa H.V. Dela Costa, Bel-Air Village, Makati na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek na sina “Nguyen” (babae) at “Phuong” (lalaki), na parehong Vietnamese.
Ayon sa ulat na nakarating kay PBGen. Rolindo Suguilon, Officer-in-Charge ng CIDG, nahuli ang dalawa habang nagsasagawa ng medical consultation at nagbibigay ng quotation para sa nose augmentation at iba pang body modification procedures kahit wala silang kaukulang lisensya mula sa Professional Regulation Commission (PRC).
Hawak na ngayon ang dalawang banyaga na nahaharap sa paglabag sa R.A 4224 o The Medical Act of 1959.