
Binigyang pagkilala sa Senado ang dalawang unipormadong tauhan matapos ma-neutralize ang dalawa sa most wanted criminals sa Region 11.
Nakapaloob ito sa Senate Resolution 1270 na inisponsoran ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa at ipinasa sa plenaryo kamakailan.
Partikular na binigyang pagkilala ng Senado sina Police Senior Master Sergeant Ryan Mariano at Bureau of Corrections officer Melvin Magnaye matapos ang ipinakitang kabayanihan at katapangan nang patumbahin ang mga nakaengkwentrong riding-in-tandem na sangkot sa drug-trafficking at shooting incidents sa lugar.
Ayon kay Dela Rosa, kung hindi dahil sa kagitingan ng officers, tiyak na magpapatuloy ang banta sa publiko ang dalawang most wanted ng Zamboanga.
Iginiit ng senador na nararapat lang bigyan ng pagkilala ang kabayanihan ng dalawang uniformed personnel dahil sa kabila ng panganib ay ipinakita ng mga ito ang kanilang determinasyong magsilbi at protektahan ang publiko.