2 sa pitong suspek na nag-gang rape sa 18 taong gulang na buntis, sinampahan na ng kaso

54

General Santos, Philippines – Pormal nang nasampahan ng kaso ang dalawa sa pitong suspek na nag-gang rape sa 18 taong gulang na buntis sa barangay Fatima sa lunsod ng General Santos.

Kasong rape ang isinampa ng police station 7 sa dalawang suspek na sina Julius Rivera, 21; at Bernardino Sinisal , 21, parehong residente ng zone 10-B, Barangay Fatima.

Inaresto ang mga suspek matapos silang isinuplong ng itatago lang sa pangalang alias Jenny, residente ng Gensan matapos siyang ginahasa umano ng pitong lalaki kasama na ng dalawang suspek.

Napag-alaman na inimbitahan ang biktima ng suspek na si alias Pogs na sinasabing text-mate nito noong nakaraang gabi dahil gusto nitong makipagkita sa kanya.

Pero pagdating sa Zone 10-B, Barangay Fatima, naroon na ang pitong lalaki kasama na ang kanyang textmate.

Pinilit umano itong uminum at nang malasing ay doon na ito ginahasa.

Matapos ng insidente, agad na dumulog sa tanggapan ng pulisya na malapit sa lugar ang biktima para isuplong ang mga suspek.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya na naging sanhi ng matagumpay na pag-aresto sa dalawa pero hindi nadakip ang lima pang suspetsado dahil hindi na naabutan ng pulisya.

Facebook Comments