
Cauayan City – Sugatan ang dalawang sundalo matapos na sumalpok sa concrete barrier sa Brgy. Nappacu Pequeño, Reina Mercedes ang kanilang sasakyan.
Ang dalawang biktima ay kinilalang sina Corporal Sheward Nads Bacacao at Corporal Aldrin Banglayan, parehong residente ng Tabuk City, Kalinga, at nakatalaga sa 5th Infantry Division sa Upi, Gamu, Isabela.
Ayon sa ulat mula sa Reina Mercedes Police Station, binabaybay ng sasakyan na minamaneho ni Bacacao ang kahabaan ng National Highway patungo sa direksyon ng Cauayan City.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente partikular na malapit sa boundary ng Reina Mercedes at Cauayan City, nawalan ng kontrol sa manibela ng sasakyan si Bacacao dahilan upang sumalpok ito sa concrete barrier sa gilid ng kalsada.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, wasak ang harapang bahagi ng sasakyan at nagtamo ng pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang dalawang sundalo na kaagad namang dinala sa pagamutan upang lapatan ng lunas.