
Muling naglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema na may kaugnayan sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Ayon sa SC, naglabas sila ng TRO kaugnay sa pagkansela ng Commission on Elections (COMELEC) sa kandidatura ni dating Mayor Jonas Cortes na tatakbo muling alkalde ng Mandaue City, Cebu.
Batay rin sa TRO, pinipigilan nito ang COMELEC na alisin ang pangalan ni Cortes sa listahan ng mga kandidato para sa posisyon.
Samantala, pinagkokomento naman ng SC sa loob ng 15 araw ang COMELEC at ang naghain ng petisyon na si Atty. Ervin Estandarte kaugnay sa inilabas na TRO.
Nag-ugat ang kaso nang akusahan ni Estandarte si Cortes ng misrepresentation matapos siyang sibakin sa puwesto ng Office of the Ombudsman isang araw bago siya maghain ng Certificate of Candidacy (COC) noong October 4.
Batay sa petisyon, nabigo si Cortes na ilagay sa COC na mayroon siyang dismissal case na isang paglabag umano sa Sections 74 and 78 ng Omnibus Election Code na siya namang kinatigan ng Comelec Second Division.