
Arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kasama ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 3 lalaki sa isinagawang law enforcement operation sa bahagi ng katubigan ng Corcuera, Romblon.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Mark”, “Lio” at “Roger” na naaktuhang nagbabiyahe ng mga produktong petrolyo at LPG na walang kaukulang License to Operate, Permit and Authority mula sa Department of Energy (DOE).
Nabigo rin ang mga nasabing suspek na magpakita ng authorization mula sa mga may-ari ng LPG brand na nag-ootorisado sa kanila na mag-refill ng kanilang mga basyo.
Narekober sa mga suspek ang 153 cylinders na naglalaman ng LPG; 145 containers na naglalaman ng unleaded gasoline, isang motorbanca at isang motorized na “batil” o kahoy na bangka na ginagamit sa pagbyahe ng mga nasabing produkto.
Tinatayang nasa kabuuang P3,786,000 ang mga nakumpiska ayon sa pulisya.
Nahaharap naman ang mga suspek sa kasong paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33 at RA 11592 o LPG Industry Regulation Act.










