3 turista, nasagip ng PNP-Maritime Group matapos anurin ng alon

Nasagip ang tatlong turista ng mga tauhan ng PNP-Maritime Group matapos anurin ng malalakas na alon habang lumalangoy sa baybayin ng isang resort sa Mabini, Batangas.

Ayon sa ulat ng PNP-Maritime Group, lumalangoy ang mga turista sa dagat kahapon ng hapon nang biglang lumakas ang alon bunsod ng habagat.

Kaagad na rumesponde ang mga tauhan ng Special Waterborne Operations School matapos makatanggap ng tawag mula sa resort.

Gamit ang jet ski at rubber boat, mabilis isinagawa ang rescue operation.

Nakaligtas naman ang tatlo, ngunit nagtamo sila ng gasgas sa paa at tuhod.

Agad din silang nabigyan ng paunang lunas.

Paalala ng PNP-Maritime Group sa publiko maging mapagmatyag sa lagay ng panahon at kondisyon ng dagat, lalo na ngayong panahon ng habagat, upang makaiwas sa disgrasya.

Facebook Comments