4 na indibidwal, pinagpapaliwanag ng PNP kaugnay ng riot na naganap noong Sept. 21 sa Maynila

Ipinatawag ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang apat na indibidwal na umano’y may kinalaman sa kaguluhan sa isinagawang Trillion Peso March noong Setyembre 21.

Ayon kay CIDG Public Information Office OIC PMaj. Helen Dela Cruz, apat na lider mula sa iba’t ibang grupo ang pinagpapaliwanag kung sila ba ay sangkot o may ipinadalang tao sa nasabing kilos-protesta.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na ang mga pangalan ng apat ang itinuro ng ilang nahuling demonstrador na posibleng may papel sa kaguluhan. May mga nakitang post din sa social media na nag-uudyok umano ng gulo bago ang naturang rally.

Sa apat na ipinatawag, isa pa lamang ang humarap sa CIDG.

Babala ni Dela Cruz, kung patuloy na hindi sisipot ang tatlo, magsasampa ang CIDG ng petition for indirect contempt of court laban sa kanila.

Tumanggi namang ibunyag ni Dela Cruz ang pagkakakilanlan ng apat dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Samantala, ayon naman kay PNP Public Information Office Chief PBGEN Randulf Tuaño, higit 20 pang indibidwal ang nakatakdang ipatawag ng CIDG para magpaliwanag kaugnay sa kaguluhan noong Setyembre 21.

Facebook Comments