
Cauayan City – Isang buy-bust operation ang ikinasa ng CIDG Quirino Provincial Field Unit katuwang ang Aglipay Municipal Police Station, at Quirino Provincial Intelligence Unit sa Brgy. San Leonardo, Aglipay, Quirino.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga hinihinalang ilegal na pataba at pagkakaaresto ng apat na suspek na kinilalang sina Jonabelle, Alexander, Romel, at Eduard De Leon—pawang mula sa lalawigan ng Isabela, matapos silang matiklo na nagbebenta ng foliar fertilizer na paso na ang lisensya, kaya’t itinuturing itong ilegal.
Ang operasyon ay isinagawa base sa mga kumpirmadong ulat na nagpapatuloy pa rin ang bentahan ng nabanggit na pataba kahit paso na ang lisensya nito noong 2023.
Nasamsam sa operasyon ang 110 kahon ng fertilizer na tinatayang nagkakahalaga ng Php 216,000.00, ilang sales invoice at resibo, at isang Isuzu Elf truck na ginamit sa pagbibiyahe ng produkto.
Dahil sa pagbebenta ng mga pataba na walang pahintulot mula sa awtoridad, ang mga suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1144, batas na nagtatakda sa pagbebenta ng fertilizer at pesticides.