5 katao, sugatan; 30 gusali, nasira sa naganap na 6.1 magnitude na lindol sa Region 11 at 12 batay sa update ng NDRRMC

23

Limang tao ang sugatan at mahigit 30 na istraktura sa Region 11 at 12 ang napinsala sa 6.1 magnitude na lindol sa Magsaysay, Davao del Sur kahapon.

Batay ito sa ulat ngayong umaga ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Region 11 ay 45 katao ang na-displace at kailangang i-relocate sa UP Mindanao Faculty and Staff Housing-Temporary Treatment and Monitoring Facility.


Sa Bansalan, Davao City at Davao Del Sur, 3 bahay at 3 gusali ang iniulat na napinsala.

Sa Region 12, lima ang iniulat na sugatan sa Cotabato Province, habang 21 bahay ang napinsala sa M’lang at Kabacan, Cotabato.

Limang imprastraktura naman kabilang ang 2 simbahan sa M’lang, Cotabato; isang ospital sa Isulan, Sultan Kudarat; at 2 pribadong gusali sa Kabacan, Cotabato ang napinsala.

Inilikas din ang mga pasyente ng Kidapawan Medical Specialist, Madonna Medical Center, at Kidapawan Doctors Hospital Inc., para ma-inspeksyon ang mga gusali, pero nakabalik narin.




Pitong landslides naman ang iniulat sa Makilala, Cotabato, at isa sa M’lang, Cotabato.

Pansamantala namang sinuspinde ng City Government ng Kidapawan at Department of Education (DepEd) Cotabato School Division ang kanilang pasok ngayong umaga mula 8:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali para sa structural assessment ng gusali.

Facebook Comments