
Arestado ang limang suspek na sangkot sa isang illegal drag racing sa kahabaan ng South Bound Lane ng Service Road, Roxas Boulevard, Malate, Maynila.
Kinilala ang mga suspek sa alyas ‘Mer’, 30-anyos; alyas ‘Pat’, 21-anyos; alyas ‘Nard’ 47-anyos; alyas ‘Maddy’, 25-anyos; at alyas ‘Harry’, 23-anyos na pawang mga dayo sa nasabing lugar.
Ayon sa ulat ng Ermita Philippine National Police (PNP), nakatanggap ang kanilang hanay ng report mula sa isang concerned citizen na may nagaganap umanong drag racing sa kanilang lugar.
Ngunit agad na nagkulasan ang mga sangkot sa nasabing gawain dahilan para habulin ang mga ito ng awtoridad.
Nang maabutan, hinarang ng isang pulis si alyas ‘Mer’ kung saan walang kaabog-abog na sinagasaan ang pulis upang makatakas sana ngunit nabigo rin ito nang bumangga ito sa sidewalk.
Sinubukan ding tumakas ng apat na suspek sakay ng kani-kanilang mga motor ngunit bigo rin ang mga ito na makatakas.
Narekober sa mga suspek ang tatlong customized na motorsiklo na nakitaan ng paglabag sa batas trapiko.
Nakapiit na sa Ermita Police Station ang limang suspek na mahaharap sa patong-patong na kaso kabilang na ang alarms and scandal at serious resistance and disobedience to a person in authority habang si alyas ‘Mer’ naman ay mahaharap din sa kasong frustrated murder.
Samantala, patuloy na nagpapagaling ang sugatang pulis na sasailalim sa operasyon matapos magtamo ng bali sa bahagi ng kanang binti.