6 na suspek sa pagpatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe, hawak na ng PNP

Manila, Philippines – Hawak na ng Philippine National Police (PNP) ang anim na suspek sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe at sa kanyang police escort na si SPO2 Orlando Diaz.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, nasa police custody na rin ang dating New People’s Army (NPA) member na si Rolando Arimando at Cafgu member na si Danilo Muella.

Kahapon, sumuko sa Taguig PNP OFfice ang isa pa sa mga suspek na si Jaywin Bador na aminadong nagtago sa Metro Manila matapos ang pamamaslang kay Batocabe.


Si Bador ang nagsilbing lookout at driver ng isa sa mga motorsiklo na ginamit sa pagtakas ng mga gunman.

Nauna dito ay sumuko na rin sa mga otoridad sina Christopher Naval na dating miyembro ng Philippine Army at ang Cafgu member na si Emmanuel Rosello.

Si Naval ay sinasabing miyembro ng security team ni Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo na siyang itinuturong utak sa krimen.

Naunang sumuko sa mga opisyal ng Philippine Army sa Sorsogon ang dating miyembro rin ng npa na si Henry Yuson na una ring nagkumpirma na si Baldo ang mastermind sa pagpatay kay Batocabe.

Samantala, sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Albayalde na napilitang sumuko ang mga suspek sa krimen nang bigo nilang makuha ang ipinangakong pera sa kanila ni Mayor Baldo.

Si Baldo at ang anim na mga suspek ay nauna nang kinasuhan ng double murder case dahil sa pagpatay kina Batocabe at Diaz.

Facebook Comments