
Pitong lalaking panadero ang natagpuang wala nang buhay matapos pagsasaksakin habang sila’y mahimbing na natutulog sa loob ng isang panaderya sa Brgy. Cupang, Antipolo City, Rizal, kaninang umaga, April 22, 2025.
Sa report na nakarating sa Kampo Krame, dakong alas-8:00 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang PCP 1 mula sa isang Barangay Tanod tungkol sa krimen.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Antipolo City Police Station kung saan lumabas sa paunang imbestigasyon na ang mga biktima ay pawang empleyado ng J&B Malunggay Bakery at naninirahan sa mismong panaderya.
Sa hindi pa matukoy na dahilan, pumasok umano ang hindi pa nakikilalang suspek o mga suspek sa loob ng panaderya dakong alas-6:00 ng umaga at sunod-sunod na pinagsasaksak ang mga biktima habang sila ay natutulog.
Dead on the spot ang pitong biktima dahil sa matitinding tama ng saksak sa katawan.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad, kabilang na ang pag-backtrack sa mga CCTV sa paligid upang matukoy at madakip ang mga salarin.
Samantala, ayon sa pulisya wala pang malinaw na motibo sa nangyaring karumal-dumal na krimen.