
Hindi muna matutuloy ang ilang aktibidad ng Commission on Elections (COMELEC) mamaya at bukas na may kaugnayan sa pag-imprenta ng mga balota.
Ito ay matapos na umatras sa kandidatura bilang senador ang internet personality na si Francis Leo Marcos ngayong araw.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ibig sabihin nito ay posibleng sa Lunes na nila masimulan ang pag-imprenta ng mga balota na gagamitin sa midterm elections sa Mayo.
Mamaya sanang gabi nakatakdang ilabas ng poll body ang bagong ballot faces sa Comelec website kung saan nakalagay na ang pangalan ni Marcos sa senatorial list.
Pero dahil sa pag-atras nito kanina, muling babaguhin ng Comelec ang listahan at numbering ng mga kandidato.
Samantala, atrasado na rin ang pag-imprenta ng mga balota na nakatakda sanang magsimula bukas dahil sa mga proseso na kailangan ulit na gawin gaya ng serialization.