
Kasalukuyang iniimbestigahan ang ilang mga police commander sa National Capital Region dahil sa kapabayaan sa trabaho ng kanilang mga tauhan.
Sinabi ni NCRPO Chief PMGen. Anthony Aberin sa Kampo Krame, kabuuang 28 commanders mula sa mga Police Community Precinct at substation ang kasalukuyang iniimbestigahan kung saan karamihan sa mga ito ay may ranggong police major at police captain.
Sa nasabing bilang, siyam ang nanganganib na masibak sa puwesto matapos mabigong ipaliwanag kung bakit abandonado ang mga Police Assistance Desk sa isinagawang surprise inspection ng NCRPO.
Aniya, hindi lang ang mga opisyal ang iniimbestigahan dahil may mga patrolman at corporal din na nahuling gumagamit ng cellphone habang naka-duty.
Sinabi ni Aberin na posible pang madagdagan ang bilang ng mga mapapanagot na pulis depende sa resulta ng imbestigasyon.