SUPPLY NG BIGAS | Problema sa bigas, pinaaako sa gobyerno – VP Robredo

Manila, Philippines – Hinikayat ni Vice President Leni Robredo ang pamahalaan na akuin ang responsibilidad sa hindi matapos-tapos na problema sa bigas sa bansa.

Sa pagdinig ng budget ng Office of the Vice President (OVP) sa Kamara, iginiit ni Robredo na itigil na ang turuan at paggawa ng mga pahayag na nakakalito lamang sa publiko kaugnay sa problema sa bigas.

Aniya, Pebrero pa lamang ay napag-usapan na ang problema sa suplay ng bigas sa bansa na sinundan naman ngayon ng rice importation at bukbok sa bigas.


Sinabi ni Robredo na dapat tanggapin ng pamahalaan na talagang may problema ang bansa sa bigas at sa halip na maglabas ng kung anu-anong espekulasyon ay dapat na magbigay ng assurance ang gobyerno na matatapos din ang problema.

Hiniling din ni Robredo na tiyakin ng pamahalaan na mapupunta ang tulong o subsidiya nito sa produksyon ng mga ani ng mga mahihirap na magsasaka upang makapag-compete naman ang mga ito sa mga malalaking rice traders.

Samantala, aapela pa si Robredo na ibalik ang 100 Billion na itinapyas sa kanilang budget sa 2019 na aabot na lamang sa P447.6 Million.

Paliwanag ni Robredo, malaki ang epekto ng ibinawas na pondo dahil apektado dito ang mga proyekto lalo na kung wala silang private partners.

Aniya pa noong 2017, 95% ang na-utilize sa budget kaya walang dahilan na hindi ipagkatiwala sa kanila ang budget sa susunod na taon.

Giit pa ng Vice President, hindi hamak na mas maliit pa ang budget ng OVP sa 2019 kumpara sa budget ng mga nasa distrito.

Facebook Comments