Mga Barangay Enforcement teams, pinakikilos ng PNP para magbigay ng seguridad sa mga tumutungo sa mga sementeryo

Hiningi na ng Philippine National Police (PNP) ang tulong ng mga Barangay Enforcement Teams para sa pagbibigay ng seguridad sa mga nagtutungo sa iba’t ibang sementeryo simula pa kahapon.

Ayon kay PNP Chief General Camilo Cascolan, ang hakbang na ito ng PNP ay bahagi ng tradisyunal na ‘Oplan Kaluluwa’ para masiguro ang kaligtasan ng publiko laban sa mga mananamantala.

Paliwanang ng PNP Chief, ang mga nasa barangay ang mas mabilis na makapagre-responde sakaling may hindi magandang nangyayari lalo’t inaasahan pa rin ang pagtungo ng mga Pilipino sa mga sementeryo at kolumbaryo para dalawin ang mga mahal sa buhay na namayapa na kahit na may COVID -19 pandemic.


Tiniyak ni Cascolan na nakapag-set up na sila ng mga assistance desk sa paligid ng mga sementeryo maging sa mga highway para naman sa mga bumabiyahe.

Maagang  ipinatupad ni Cascolan ang pre-emptive measures para sa mga bibiyahe at maagang tutungo sa sementeryo.

Batay sa direktiba ang Inter-Agency Task Force (IATF), sarado ang mga libingan mula October 29 hanggang November 4 para makaiwas sa pagkahawa-hawa ng COVID-19.

Facebook Comments